Pahinga.

Gusto niya ng pahinga.

Kailangan ng lahat ng pahinga. O pagbabago.

Nakakatuwang isipin na ang salitang “pahinga” ay naglalaman ng salitang “hinga”. Ngayon ko lang naisip na kapag humihingi ka ng pahinga, hinihiling mo rin na magkaroon ng espasyo o oras para ikaw ay “makahinga” (breathing space). Akala ko, ‘pag sinabing pahinga, oras lang para mag-relaks relaks.

Kung iisipin nga naman, noong naramdaman kong gusto ko ng pahinga mula sa trabaho, ang sarap ng aking buntong-hininga. Para bang natanggalan ako ng malaking tinik sa puso; nabawasan ang mabigat ng timbang ng responsibilidad sa aking balikat. Isang araw na lang, lilisanin ko na ang gusaling ito. Isang araw na lang, wala na akong iisiping trabaho. Pahinga muna. Maghanda para sa susunod na hamon.

Kapag nasa beach naman o sa paborito kong lugar na pahingahan (Baguio), ang sarap huminga ng malalim. Parang ang nipis ng hangin. Gusto kong punuin ang baga ko ng fog. Sabi ko nga kay PJ minsan, gusto kong ilagay sa garapon ang fog para pwede ko itong bitbitin kahit saan. Pero minsan, kapag sobrang lamig ng hangin, masakit huminga. Nangyayari ito kapag sobrang aga o madaling-araw. O kaya, subukan mong tumakbo sa Oval sa Baguio, masakit sa baga.

Ang paborito kong relasyon ay nanghingi ng pahinga. Gusto lang naming gawin ang mga bagay sa buhay namin muna ng walang pumipigil, walang nagsasabi ng opinyon. Sabi pa niya, mahal niya ako pero hindi niya ako kayang bigyan ng karapatang manguna sa buhay niya, sa ngayon. O baka nanawa na lang din siya  o masyado ko siyang nasaktan sa panghihingi ko ng oras o nasakal, kaya gusto niyang huminga.

Pero lahat ng pahinga ay natatapos. Walang mangyayari sa buhay kung naka-pahinga tayo palagi. Walang pangarap na matutupad; walang bagay na mayayari. Kaya tulad ng trabaho, o ng pag-ibig, natatapos din ang pahinga. ‘Yun nga lang, kapag sa buhay, mahirap maniguro kung kailan ito matatapos. Ang alam ko lang, nagtitiwala ako sa huling pangakong binitiwan niya para sa akin – tulad ng paniniwala ko sa lahat ng pangakong binigkas niya noon.

“Magiging tayo pa ba?”

“Bakit hindi, kapag may karapatan na akong makipag-relasyon ulit… Mahal kita. Huwag mong isipin na porke’t ganito, hindi na kita mahal.”

Iyan ang hudyat ng breaktime ko. Mag-kape muna tayo, o mag-bakasyon, o mag-tsismisan sa pantry, kumain, lumabas kasama ng kaibigan sa ating break time. Sigurado naman akong kapag tapos na ang break time, hahanapin mo ako.

“Paano sinusukat ang lalim ng buntong-hininga?” Hindi sa dami ng hanging pumapasok sa baga mo nasusukat ang lalim nito, kundi sa dami ng mga salitang piniling lunurin sa tikom na bibig, at itinago sa mahabang patlang ng katahimikan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s