VICTORY LINER: We move people faster, safer.

Because I love drama, like that.

This is a blog that I wrote some 3 years ago.

Kapag binagtas ang lugar ng Cubao, sunud-sunod na ang mga pier ng bus na makikita sa magkabilang gilid ng daan. Bukod pa ito sa mga naglipanang hotel at mga motel na maaring gamitin ng mga bakasyonista, mga nangangailangan ng matutuluyan, o ng mga nais magpalipas-oras lamang. Sa gawing kanan, makikita ang Dagupan Bus Liner at Superlines. Sa kaliwa naman, dun makikita ang Five Star at Baliwag Bus Lines. Pero ang pinaka-nakakakuha ng pansin ng mga mata sa lahat ng mga pier ng bus na ito ay ang Victory Liner. Simple man ang disenyo ng logo nito, hindi man kasing kulay ng logo ng ibang nabanggit na bus liners, agaw pansin pa din ang malalaki at pilak na mga letrang nakapakil sa itaas: “Victory Liner” (disclaimer: ngayon ay “computerized” at makulay na ang mga titik na ito). At kumpara sa ibang terminal ng bus, ito na ang masasabi kong pinaka-malinis, pinaka-malaki at pinaka-sosyal na terminal na nakita ko. mas madami at mas maganda ang hubog ng kanilang mga bus, mas malamig ang aircon, at masasabing mas ligtas magbiyahe dito kaysa sa ibang bus. Kaya naman ito din ang pinipiling tangkilikin ng mga bakasyonista at ng mga estudyanteng ginustong mag-aral sa malayo tulad ko.

Noong ako’y nasa hayskul pa lamang, nakakasakay lamang ako sa mga malalaking bus na gaya nito kapag mayroon kaming mga field trip sa malalayong lugar, o kapag kinakailangang magbakasyon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Ngunit ang pananaw na ito ay nagbago ng ako ay tumungtong sa unang taon ng kolehiyo. Para sa akin, nagbigay ito ng saya at lungkot sa magkasabay na pagkakataon. Saya na tahakin ang panibagong bukas na naghihintay sa akin sa malayo, at lungkot sa mga maiiwang nag-aalala sa lugar na kumupkop sa akin sa loob ng labing-anim na taon. At sa loob ng apat na taong ito, iba’t ibang karanasan at kwento ang naipundar ko na tanging ang mga bus lamang ang nakasaksi. Iba’t ibang lalaki, iba’t ibang paglalayag, iba’t ibang mukha, iba’t ibang pakiramdam. May mga kwento ng pagtakas, mga kwento ng pagbubulakbol, mga kwento ng paglalayag ng patago, mga kwento ng paglisan at pagsalubong, mga kwento ng iba’t ibang kabanata sa buhay ko. Bawat biyahe ko, abot langit ang panalangin kong hindi sana mahulog sa bangin ang bus na masakyan ko, hindi sana maholdap ang perang pang-tuition na dala-dala ko, at hindi sana manyak ang makatabi ko. Minsan nga naiisip ko, siguro sa loob ng apat na taong ito, lahat ng bus sa terminal na ito ay nasakyan ko na.

Pero karamihan sa mga kwentong ito, karamay ko ang tatay ko sa mga paglisan na nagawa ko. Siya ang matsagang naghahatid sa akin sa cubao terminal ng mga disoras ng gabi. Naaalala ko, ang “hatid outfit” nia ay shorts, tshirt, tsinelas at sumbrero. Sa loob ng apat na taon, ganun ang tatay na nasaksihan ko. Karamay ko siya sa paghihintay ng mga bus na sasakyan ko, sa pakikipagtalo sa mga koduktor ng bus na ayaw akong pasakayin sa oras para makaabot sa klase ko, at sa pahahatid sa mga lalaking kasabay niyang naghahatid sa akin sa terminal na naging bahagi ng buhay ko. Habang naghihintay ng bus, kasama niya ang kaniyang sigarilyo at kape para hindi makatulog. Ako naman ay tatambay sa mga dilaw na metal na upuan (na ngaun ay kulay asul at plastic na) at magnanakaw ng ilang minutong tulog. Susunduin naman nia ko sa munoz kahit anong oras pa man ako dumating — gabi man, madaling araw o umaga na tanging mga namamalengke pa lamang ang gising. ang laging paalala nia bago ako sunduin: “sabihin mo, sa PLDT ka ibaba ha” (disclaimer: bawal na ngayong magbaba sa Muñoz; sa Paramount na ang next stop). At sa lahat ng mga kwentong ito, nagpapasalamat ako.

Kahapon, binagtas ko ang pamilyar na lugar na nag-alaga sa akin ng apat na taon. sa umaga, imbis na ako ang sunduin, ako naman ang nanundo. At kinagabihan (o kinamadaling-arawan), naroon pa rin ang tatay ko na karamay ang kaniyang kape at sigarilyo, nakatayo sa tindahan sa kanto. Naroon pa din ang mga upuang karamay ko para magnakaw ng ilang minutong tulog bago sumakay. Naroon pa rin ang mga tambak-tambak na sako at mga karton, ang mga taong naghihintay din ng kanilang mga biyahe at mga bus na nakaparadang naghihintay na mapuno. Abot langit pa din ang panalangin kong hindi sana mahulog sa bangin, o hindi sana maholdap ang bus, o hindi sana manyak ang taong makakatabi. Ngunit sa pagkakataong ito, ako naman ang matyagang naghihintay ng bus na sasakyan ng isang taong mahal ko. Tulad ng milyong paalam na nagawa ko sa terminal na ito, umiyak ako, sa balikat ng taong ito. Walang kasiguruhan kung kailan ko siya makikitang muli, pero isang pangako ang nagsilbing pag-asa para sa mga bagong bukas na darating pa. At sa yakap at halik ng paalam na nagawa namin sa harap ng tatay ko, naisip ko: ito na siguro to. Pamilya lamang ang matsagang kasama mo maghihintay sa bus na sasakyan mo. Siya, ako, tatay ko. Pamilya ko ito.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s