BIG THINGS COME IN SMALL PACKAGES

Tinatayang may 700,000 na sari-sari store sa buong bansa. Ayon sa pag-aaral, 93% ng sari-sari store ay makikita sa residential areas at karaniwang itinatayo sa bahay ng may-ari. Kaya naman naging parte na ng pang-araw araw na pamumuhay ng mga Pinoy ang pagbili sa tindahan. Anumang pangunahing pangangailangan na kulang sa kusina – mula sa simpleng kape o mantika – o iba pang pangangailangan gaya ng katol, sabon o posporo – ay pinaka-convenient na mabibili sa malapit na tindahan. Minsan nga, pwede pa ang lista o utang muna.

Walang tiyak na pinagmulan ang mga tindahan. Sinasabing maaring nagsimula ito noong panahon ng kalakalan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas (1127 AD). Ngayon, lahat ng kalye ay may 1-4 na tindahan; karaniwang makikita sa mga kanto o sa gitna ng mahahabang kalye. Ang mga kostumer ay ang magkakapit-bahay. Madalas, isang bahay lang ang pagitan ng dalawang tindahan, o magkakatabi pa ang mga ito.

Pareho naman ang estado ng sari-sari store sa siyudad at probinsya. Ang kaibahan lamang, dahil mas kokonti ang populasyon sa probinsya, mas kaunti at mas malalayo ang agwat ng bawat tindahan doon. Tinatayang bawat isang baryo sa probinsya ay may kahit isa man lang na tindahan.

Ayon sa research ng AC Nielsen, lumaki ang bilang ng sari-sari store sa bansa sa 88% mula 1997 hanggang 2000, 14% noong 2002, 13% noong 2003 at 7% noong 2004. Nangangahulugang nananatiling popular ang pagtatayo ng tindahan bilang negosyo, at patuloy pa din ang pagsulpot ng mga bagong tindahan sa kabila ng paglobo ng bilang ng mga kakumpitensya.

Sari-Sari Store: Negosyong para sa Lahat

Kung tutuusin, kahit saan naman ay may sari-sari store. ‘Yun nga lang, sinusuhestiya ng mga pag-aaral na mas maraming tindahan sa mas mahihirap na lugar. Tinatayang 50 na tindahan ang makikita sa isang squatters’ area sa may Malabon. Interesante, hindi ba? Narito ang mga salik na maaaring makapag-bigay sa atin ng kasagutan:

1. Re-packaging. Halos lahat ng sari-sari store ay gumagamit ng teknik na takal (pang-sukat ng volume) at tingi (pira-piraso) – karaniwang hinahati ang mga paninda sa mas maliit na dami kaysa sa makikita sa palengke o grocery stores (hal. ang mantika ay mabibili na naka-plastik, makakabili ng isang sachet lang ng shampoo at hindi ang buong botelya, atbp.) 63% ng bumibili sa sari-sari store ay bumibili ng tingi, at karaniwan sa mga ito ay galing sa class D at E. Ito ay dahil kaya namang bumili ng mayayaman ng bultuhang produkto sa malalaking supermarket, habang ang hindi gaanong may kaya ay walang ganitong kapasidad, kahit na karaniwan ay may diskwento kapag bultuhan ang binibili. Dahil sa mga tindahan, nabibigyan ang mahihirap ng mga produkto sa dami lamang na kailangan nila, sa panahong kailangan nila ito at sa halagang swak lamang sa bulsa.

2. Economic class. Dito masusukat ang rason sa pagbili sa mga tindahan. Para sa mga middle-class, bumibili sila sa tindahan kung biglaang naubos ang kanilang shampoo; bumibili lamang ang may kaya sa tindahan kung talagang malayo ang kanilang bahay sa palengke. Ayaw gumastos ng mahihirap ng pamasahe para pumunta sa palengke/grocery kaya sila ang karaniwang nagiging suki ng mga tindahan. Dito sila umaasa para sa halos lahat ng kanilang pangangailangan.

3. Palagiang kita. Kapag ang kita ay mababa at pana-panahon lamang, karaniwan ay nangungutang sa tindahan. Dahil ang mahihirap ay karaniwang walang permanenteng trabaho, sa tindahan sila umaasa para mapunan ang pangangailangan. Hindi tiyak ang bayad, ngunit karaniwang dalawang beses ito sa isang buwan, malapit sa sweldo ng mga empleyado. Ayon naman sa mga may-ari ng tindahan, ang pagpapautang ay mabisang stratehiya para dumami ang mamimili.

4. Maliit na kapital. Hindi masusuportahan ng maliit na kapital ang gastusin para magpa-rehistro ng isang pormal na negosyo at karaniwang walang access sa alternatibong mapagkakakitaan ang mga nagtatayo ng sari-sari stores.

Maliit na puhunan lamang ang kailangan sa pagsisimula ng tindahan, dahil nga hindi na kailangan pang magbayad ng renta. Magbukas ka lang ng bintana ng bahay mo (basta’t nakaharap ito sa kalye), magsabit ng mga pakete ng produkto, okay na. Kung pamilya lang ang tatao sa tindahan, hindi na kailangan pang magpa-sweldo ng tauhan.

Malaking salik dito ang kawalan ng trabaho. Mas malaki ang posibilidad na magtayo ng sari-sari store ang pamilya kung saan kaunti lamang o walang miyembro ang may trabaho, kumpara sa pamilyang may mga alternatibong pinagkakakitaan.

5. Suki. Karaniwang ginagamit  ng mga may-ari ng tindahan ang mga personal na relasyon at network sa komunidad para mapanatili ang kanilang katapatan at ma-promote ang tindahan sa pamamagitan ng word of mouth. Bilang kapalit, ang mga regular na kostumer o suki ay karaniwang nakakakuha ng diskwento o pasobra. Dahil sa mga personal na pabor na ito, mas nakakakuha ng maraming suki ang tindahang handang magpautang.

6. Iwas-krisis. Sa kabila ng naging pandaigdigang krisis noong nakaraang taon, nananatiling matatag ang industriya ng sari-sari stores. Ito ay dahil ang mga produktong binebenta sa mga tindahan ay sari-sari (walang espesyalidad), at ito ay mga pangunahing kailangan ng tao sa araw-araw kaya mabilis makabenta. Kahit na maraming kakumpitensya, hindi opsyon ang pagpapababa ng presyo ng bilihin sa mga tindahan para makaakit ng mas maraming mamimili. Isinasaalang-alang lamang ng mga may-ari ang presyo ng pamasahe na maaari mong gastusin pagpunta sa palengke, o ang kakaibang pag-pakete ng produkto na hindi makikita sa palengke/grocery.

7. Pagbuo ng Relasyon. Karaniwang may dalawang bangko sa tapat ng mga tindahan, na siyang nagiging lugar para magkita-kita ang mga lalaki matapos ang araw ng trabaho, o ang mga babae para pag-usapan ang mga bagong balita. Ito rin ang karaniwang tagpuan ng mga bata para magpahinga at uminom na malamig pagkatapos maglaro.

8. Turismo. Dahil nga karaniwang makikita ang mga tindahan sa mga kalye kung saan maraming tao/sasakyan, malaking tulong din ito sa mga turista. Wala mang direktang korelasyon sa kita, napagtatanungan ng mga turista ang mga tindahan ng direksyon.

9. Papel ng Babae. Ayon sa pag-aaral, ang mga karaniwang dahilan kung bakit mga babae ang namamahala ng sari-sari store ay: (1) sila ang tagapamahala sa bahay; (2) mas malaki ang motibasyon ng mga babae kaysa sa lalaki na magtipid dahil sa papel na ito.

Kailangang asikasuhin ng mga babae ang bahay / mga anak. Para sa mga hindi kayang magbayad ng yaya o walang mapag-iiwanan ng anak, kailangan nilang huminto sa pagta-trabaho. Inaasahan ring mapagkasya ng mga babae ang budget at maglaan ng pangangailangan ng buong pamilya. Kung kulang ang budget, responsibilidad ng babae na dagdagan ito sa pamamagitan ng panghihiram ng pera o paghahanap ng ibang mapagkakakitaan.

Kaya naman patok ang pagtatayo ng sari-sari store sa mga kababaihan – hindi lamang ito mapagkukunan ng karagdagang kita kapag kulang ang budget, pwede ring pagkuhanan ng kulang na produkto na kailangan sa bahay.

Marahil ay marami pang dahilan kung bakit patok ang sari-sari store sa Pinas. Pero napatunayan na pinupunan ng mga tindahan ang pangangailangan ng lahat ng antas ng lipunan. Sa kabuuan, ang pagpapatakbo ng sari-sari store ay kapareho lang ng pagpapatakbo ng kahit anong negosyo. Ang matinding hamon para sa mga tindero/tindera ay kung paano ito gagawing kakaiba sa kabila ng kompetisyon, upang maging mini-grocery o convenient store ang maliit na sari-sari store na mayroon sila ngayon. Hanapin ang kasagutan at maging matagumpay na negosyante.

Sources:

http://www.aer.ph/pdf/papers/FilipinoSariSariStore_draft_HMalapit.pdf

http://www.mb.com.ph/articles/210103/sarisari-stores-continue-thrive

http://www.batangas-philippines.com/sari-sari-store.html!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s